TINANGGAL SA PUWESTO | 8 district collectors at 30 section chiefs ng Bureau of Customs, sinibak na
MANILA, Philippines – Tinanggal na sa kanilang mga puwesto ang walong district collectors at 30 section chiefs ng Bureau of Customs.
Kasunod ito ng pag-anunsiyo kamakailan ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na tatanggalin niya sa puwesto ang kahit sinong opisyal na hindi susunod sa kanyang utos na itigil ang korapsyon sa port na kanilang pinagsisilbihan.
Kabilang sa mga tinanggal na district collectors ay sina Elvira Cruz ng Port of Cebu; Romeo Rosales ng Port of San Fernando; Julius Premediles ng Port of Limay; Jose Naig ng Port of Iloilo; Carmelita Talusan ng Port of Subic; Divina Garrido ng Port of Legazpi; Halleck Valdez ng Port of Zamboanga; at si Tomas Alcid ng Port of Appari.
Sa hiwalay na personnel orders na may petsang Setyembre 27, tatlumpung section chiefs mula sa Formal Entry Divisions of the Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP) ng BOC ang tinanggal sa kanilang puwesto at itinilaga sa iba’t ibang provincial collection districts ng ahensiya.
Matatandaang pauli-ulit na sinabi ni Lapeña sa kanyang mga naging pahayag na tigilan na ng ilang empleyado ng Customs ang pagtanggap ng “tara” o lagay.
“I personally monitor the ports including its daily collection performance and it is apparent from the records that benchmarking is still being used in the assessment of duties and taxes. This has to stop immediately,” sabi ni Lapeña.
No comments: